OUTREACH PROGRAM, PINANGUNAHAN NG EAGLES CLUB - GALLANT WARRIORS SA LUNSOD NG OLONGAPO

Olongapo – Pinangunahan ng Eagles Club – Gallant Warriors ang isang outreach program sa Sibul, Barangay East Bajac-Bajac, sa lunsod ng Olongapo, upang hatiran ng tulong ang isang nangangailangan na residente kahapon, araw ng Pebrero 16.

Kinilala ang benepisyaryo na si Marcelina Abay, residente ng nasabing lugar na dumaranas ng Polio at Epilepsy. Nakatanggap ito ng iba’t-ibang klase ng donasyon katulad ng noodles, bigas, itlog, biscuits, maging ang ilang mga kagamitan tulad ng toilet paper, first aid kit, maliit na lamesa at iba pa.

Samantala, ipinahayag naman ni Eagles Club – Gallant Warriors President Kuya Cris Rivera ang kaniyang kagalakan sa nasabing aktibidad at tiniyak na sisikapin umanong mahatiran pa ng tulong ang iba pang residente sa lunsod na labis na nangangailangan.

Naisagawa ang outreach program sa pamumuno ni President Kuya Cris Rivera, katuwang ang ilang miyembro ng nasabing socio-civic organization, maging ang mga representantes mula sa Barangay East Bajac-Bajac.

Labis na nagpapasalamat si Nanay Abay sa Eagles Club – Gallant Warriors dahil sa nasabing donasyon na tiyak makakatulong sa kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan.

Jack Solano | February 17, 2025