CBMS DATA TURNOVER NG PSA SA ZAMBALES LGUs, ISINAGAWA SA SUBIC BAY FREEPORT ZONE

SUBIC BAY FREEPORT ZONE — Sa layuning mapalakas ang lokal na pamamahala sa pamamagitan ng datos, matagumpay na isinagawa ngayong umaga ang 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) Data Turnover Ceremony sa Terrace Hotel, Subic Bay Freeport Zone.

Pinangunahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang naturang seremonya, katuwang ang mga lokal na pamahalaan ng Zambales, upang opisyal na ipasa ang mga resulta ng 2024 CBMS sa mga kinauukulang opisyal ng lalawigan. Ang CBMS ay nagsisilbing mahalagang instrumento sa pagkolekta ng datos mula sa mga komunidad upang matukoy ang kalagayan ng kabuhayan, edukasyon, kalusugan, at iba pang aspeto ng pamumuhay ng mamamayan.

Mainit na binuksan ang programa sa pamamagitan ng Welcome Remarks ni Regional Director Arlene M. Divino ng PSA RSSO III. Sinundan ito ng isang video message ni Usec. Claire Dennis S. Mapa, PhD, National Statistician at Civil Registrar General ng PSA.

Binigyang-diin naman ni Hon. Jun Omar Ebdane, Mayor ng Botolan ng Zambales, sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng datos sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang pangkaunlaran. Kasunod nito, inilahad ng mga kinatawan mula sa PSA RSSO III at PSA Zambales ang mga Highlights ng 2024 CBMS Results, na nagbigay-linaw sa mga pangunahing natuklasan mula sa isinagawang survey.

Ang pinakatampok na bahagi ng programa ay ang pormal na turnover ceremony, kung saan opisyal na ibinigay ng PSA ang CBMS data sa mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan. Sa kanilang Acceptance Message, ipinaabot ng mga opisyal ang kanilang taos-pusong pasasalamat at pangako na gagamitin ang nasabing datos bilang gabay sa pagbuo ng mga epektibong programa para sa kanilang mga nasasakupan.

Nagbahagi din ng isang paksa si Bb. Jenelyn Abasta, Data Protection Officer ng bayan ng Iba, Zambales, kaugnay sa mga plano at programa sa pangangalaga ng mga CBMS Data.

Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng Closing Remarks si PSA Zambales Chief Statistical Specialist Nirman L. Bundalian na nagpahayag ng pasasalamat sa lahat ng lumahok sa seremonya.

Ang buong okasyon ay isinagawa sa pormal na kasuotan—Barong Tagalog at Filipiniana—bilang simbolo ng paggalang sa diwa ng serbisyo publiko at estadistika. Si Adrian M. Roca naman ang nagsilbing Master of Ceremony sa buong programa.

Ang CBMS Data Turnover Ceremony ay isang makabuluhang hakbang tungo sa mas mahusay at may-batayang pamumuno, kung saan ang mga desisyon ng pamahalaan ay nakaangkla sa aktuwal na kalagayan ng mga komunidad.

‎Oct 8, 2025 | Mitch Santos