CLMA OLONGAPO-ZAMBALES, MATAGUMPAY NA NAGSAGAWA NG MANGROVE PROPAGATION ACTIVITY

Sa pagdiriwang ng ika-47 anibersaryo ng Central Luzon Media Association (CLMA), matagumpay na isinagawa ng CLMA Olongapo-Zambales Chapter ang kanilang ikatlong Mangrove Propagation Activity sa Binictican Drive Mangrove, Subic Bay Freeport Zone.

Ang aktibidad ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), Subic Enerzone, AboitizPower, EcoProtect, SBMA Ecology Center, Media Productions Department, Bureau of Customs, Subicwater, SM Malls, at iba pang katuwang na organisasyon at indibidwal.

Layunin ng programa ang palawakin ang kamalayan hinggil sa kahalagahan ng mga mangrove ecosystem sa pangangalaga ng baybayin, pagpapanatili ng biodiversity, at pagpapalakas ng kakayahang harapin ang epekto ng pagbabago ng klima.

Mahigit isang daang (100+) volunteers mula sa maritime sector, lokal na pamahalaan, at civil society organizations ang lumahok sa pagtatanim ng humigit-kumulang 200 punla ng bakawan.

Isinagawa rin ang environmental briefing ukol sa papel ng mangroves sa pag-iwas sa coastal erosion, pagbawas ng greenhouse gases, at pagsuporta sa kabuhayan ng mga mangingisda. Ayon kay Joanna Marie Reyes, OIC ng SBMA Ecology Center – Protected Area Division,
“Ang mangrove propagation ay hindi lamang importante — ito ay simbolo ng ating kolektibong pangako sa kalikasan at sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.”

Ang CLMA, na kilala sa adbokasiya sa maritime safety at community engagement, ay patuloy na nagpapalawak ng mga programang pangkalikasan bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility.

“Ang proyektong eto ay bahagi ng ika- 47 taon ng CLMA bilang pakikiisa ng organisasyon sa pangangalaga sa kalikasan at pino-promote natin ang carbon neutral dito sa Freeport Zone para sa susunod na 30 years ay matatamasa na ng mga susunod na henerasyon. Na may malinis na hangin na tayong nalalanghap”. Ani Dante Salvaña, Presidente ng CLMA- OZ Chapter.

‎Oct 9, 2025 | Mitch Santos