CAYETANO, HINIMOK ANG DPWH NA MAGTAYO NG MAS MARAMING CLASSROOMS
Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Lunes na makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) upang matugunan ang kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa at tiyaking pantay ang oportunidad sa mga mag-aaral saan mang rehiyon.
Sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng DPWH nitong October 20, binanggit ni Cayetano ang datos mula sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na nagpapakitang libu-libong pampublikong paaralan pa rin ang nagsasagawa ng dalawang hanggang tatlong shift sa klase dahil sa kakulangan ng silid-aralan.
“I have here a one-page summary from EDCOM that says 36,559 schools are single-shift, 2,591 double-shift, and 216 for triple shift. If you can have a task force, there are many reasons why napabayaan ito,” wika ni Cayetano kay DPWH Secretary Vivencio “Vince” Dizon.
Aniya, karamihan sa mga paaralang may triple-shift ay nasa pitong rehiyon, kabilang ang National Capital Region (NCR), Region 10, Region 4A, at Region 3.
Patunay aniya ito na hindi pantay ang kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Not only coordinating with DepEd, but [it would be good] if you can have a task force. Ang problema kasi sa three shifts, malamang doon ay wala nang rooms ang schools. New school na ang kailangan para lumipat na y’ung ibang estudyante,” wika niya.
Paliwanag ni Cayetano, ang pagkakaroon ng dalawa o tatlong shift sa isang paaralan ay nangangahulugang mas maikli ang oras ng pag-aaral ng mga estudyante kumpara sa mga nasa mas maayos na pasilidad.
Dapat aniya itong isaalang-alang sa paglalaan ng pondo para sa mga bagong silid-aralan upang maging patas ang oportunidad sa edukasyon sa bawat rehiyon.
Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang karanasan ng City of Taguig sa pagtatayo ng mga matataas na gusaling pampaaralan upang mas mapakinabangan ang espasyo at mapagsilbihan ang mas maraming estudyante.
“For example, in Taguig, we started building seven stories with an elevator,” wika niya.
Hinimok din ng senador ang DPWH na makipag-ugnayan hindi lang sa DepEd kundi pati sa Commission on Higher Education (CHED) sa pagdidisenyo at pag-prayoridad ng mga bagong gusaling pang-akademiko upang matiyak na ang mga ito ay sumasalamin sa pagiging makatarungan at inklusibo sa pambansang kaunlaran.
“If you’re talking to CHED and they want to build a specially designed academic building or school building, this is where coordination becomes important,” wika niya.
Dagdag pa niya, ang layunin ng mabuting pamamahala ay hindi lang upang magtagumpay ang isang departamento kundi upang sabay-sabay na magampanan ng lahat ng ahensya ang kani-kanilang tungkulin para sa kapakanan ng publiko.
“For you to be able to do your job, the other departments have to do their jobs,” wika niya.
Oct 22, 2025




