ABOITIZPOWER, NAGHATID NG TULONG SA MGA DAY CARE CENTER SA MARIVELES, BATAAN
Sinimulan ng AboitizPower ang taon sa pamamagitan ng paghahatid ng tulong sa tatlong day care center sa Barangay Batangas II, Mariveles, Bataan, sa pangunguna ng mga pribadong limited partnership nitong GNPower Mariveles Energy Center Ltd. Co. (GMEC) at GNPower Dinginin Ltd. Co. (GNPD).
Ang inisyatiba ay bahagi ng employee-led corporate social responsibility program ng GMEC at GNPD sa Bataan, na kilala bilang “Plant-a-Love” initiative. Sa ilalim nito, ang mga empleyadong nagdiriwang ng kanilang kaarawan bawat buwan ay pumipili ng komunidad na kanilang pagbibigyan ng oras, serbisyo, at suporta sa pamamagitan ng mga makabuluhang outreach activity.
Ayon kay Reputation and Stakeholder Management Manager Jeps Mendoza, humigit-kumulang 50 mag-aaral mula sa tatlong day care center ang nakinabang sa child-centered outreach activity na naglalayong palakasin ang maagang pagkatuto, kamalayan sa pangangalaga ng kalikasan, at pangkalahatang kapakanan ng mga bata.
Lumahok ang mga benepisyaryo sa storytelling, safety orientation, IEC session hinggil sa zero waste at wastong pamamahala ng basura, “turn waste to art” activity, at pamamahagi ng mga regalo.
Bilang karagdagang suporta, namahagi rin ng mga bitamina, hygiene kits, reusable tumblers, baon snacks, at pagkain sa tulong ng walong boluntaryong empleyado ng kumpanya, katuwang ang Rotary Club of Mariveles at mga Rotaractors.
Binigyang-diin ng pamunuan na patuloy nilang isinusulong ang mga programang naglalayong lumikha ng ligtas, makabuluhan, at may pangmatagalang positibong epekto sa mga batang kabilang sa host communities.
Feb 2, 2026




