LIBRENG SERBISYONG MEDIKAL AT OPERATION TULI, ISASAGAWA NG ABOITIZ SA OLONGAPO CITY

Magkakaroon ng dalawang araw na libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga residente ng Olongapo sa pangunguna ng Aboitiz Renewables, Inc. at Olongapo Solar Power Plant, katuwang ang Barangay Sta. Rita at ang lokal na pamahalaan. Layunin ng programa na magbigay ng abot-kayang serbisyong medikal sa komunidad, lalo na sa mga nangangailangan.

Sa Abril 25, isasagawa ang “I Am Ready: Operation Tuli 2026” mula alas-8 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa Barangay Court ng Sta. Rita. Libreng pagtutuli ang ilalaan para sa unang 300 batang lalaki na may edad walong taong gulang pataas, at kinakailangang may kasamang magulang o guardian.
Susundan ito sa Abril 26 ng “Para sa Malusog na Olongapo: Medical and Dental Mission 2026,” na gaganapin mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali sa parehong lugar.

Magkakaloob ang aktibidad ng libreng check-up, serbisyong dental, at gamot para sa unang 200 na dadalo.

Hinihikayat ang mga residente na samantalahin ang mga libreng serbisyong ito bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapalakas ang kalusugan ng komunidad at maitaguyod ang mas maayos na serbisyong panlipunan sa lungsod.

Apr 22, 2026