ABOITIZPOWER AT ABOITIZ FOUNDATION, NAGBIGAY NG MATAGUMPAY NA PAGSASANAY SA PAMAMAGITAN NG ELEVATE AIDA PROGRAM
Pinangunahan ng AboitizPower, sa pamamagitan ng mga kaakibat nitong kumpanya at ng Aboitiz Foundation, katuwang ang Connected Women, ang matagumpay na pagsasanay sa 48 kababaihan mula sa Malvar, Batangas na nagtapos sa Elevate AIDA (Artificial Intelligence Data Annotation) program. Ang pagtatapos na isinagawa noong Enero 22 ay bahagi ng mas malawak na layunin ng AboitizPower na bigyang-kakayahan ang 300,000 kababaihan sa buong bansa sa pamamagitan ng technology upskilling at napapanatiling kabuhayan.
Sa ilalim ng online skills development program, hinasa ang mga kalahok sa data annotation at paggamit ng Artificial Intelligence upang maihanda sila sa mga remote at work-from-home na oportunidad. Layunin ng programa na magbukas ng bagong landas sa sektor ng teknolohiya para sa kababaihan mula sa mga underserved communities habang nagbibigay ng pagkakataong kumita nang hindi iniiwan ang kanilang mga tahanan.
Isinagawa ang seremonya ng pagtatapos sa Malvar Municipal Hall na dinaluhan nina Hon. Mayor Art Abu at Hon. Lilibeth Lat, Barangay Chairperson ng Barangay Bagong Pook, bilang patunay ng suporta ng lokal na pamahalaan sa adbokasiya ng women empowerment at digital transformation.
Ayon sa pamunuan ng AboitizPower at Aboitiz Foundation, mahalagang bahagi ng kanilang misyon ang paghahanda sa mga komunidad sa hinaharap na hinuhubog ng teknolohiya.
Patuloy na susuportahan ng Connected Women ang mga graduates sa pamamagitan ng karagdagang pagsasanay at tulong sa pagkuha ng online trabaho, habang magsasagawa naman ang Aboitiz Foundation, katuwang ang UnionBank, ng online session sa financial literacy at cybersecurity upang matiyak ang ligtas at responsableng paglahok ng mga kababaihan sa digital economy.
Feb 3, 2026




