ABOITIZPOWER NAGLUNSAD NG UNANG PROJECT SAYSAY+ NG 2026 SA MARIVELES, BATAAN

Pinalakas ng AboitizPower, sa pamamagitan ng mga pribadong limited partnership nitong GNPower Mariveles Energy Center Ltd. Co. (GMEC) at GNPower Dinginin Ltd. Co. (GNPD), ang adbokasiya nito para sa kapakanan ng kabataan matapos ilunsad ang unang Project SAYSAY+ para sa 2026 sa Barangay Batangas II, Mariveles, Bataan, kung saan tatlong day care center ang napagkalooban ng tulong.

Ang naturang proyekto ay isang employee-led corporate social responsibility (CSR) initiative na pangunahing isinusulong ng GMEC at GNPD sa Bataan at bahagi ng tinaguriang “Plant-a-Love” program. Sa ilalim nito, ang mga empleyadong nagdiriwang ng kanilang kaarawan bawat buwan ay binibigyang pagkakataon na pumili ng komunidad na kanilang pagsisilbihan sa pamamagitan ng mga outreach activity na nakatuon sa edukasyon, kalusugan, at pangangalaga sa kalikasan.

Ayon kay Reputation and Stakeholder Management Manager Jeps Mendoza, humigit-kumulang 50 mag-aaral mula sa tatlong day care center ang nakinabang sa child-centered outreach activity na naglalayong palaganapin ang maagang pagkatuto, kamalayan sa zero waste at wastong pamamahala ng basura, at pangkalahatang kagalingan ng mga bata sa pamamagitan ng storytelling, safety orientation, IEC sessions, “turn waste to art” activity, at pamamahagi ng mga regalo.

Bilang dagdag na suporta, namahagi rin ang AboitizPower ng mga bitamina, hygiene kits, reusable tumblers, baon snacks, at mga pagkain sa tulong ng walong boluntaryong empleyado ng kumpanya, katuwang ang Rotary Club of Mariveles at mga Rotaractors.

Binigyang-diin ni Mendoza na sa pamamagitan ng Project SAYSAY+, patuloy ang hangarin ng kumpanya na lumikha ng ligtas, makabuluhan, at may pangmatagalang epekto na mga programa para sa kabataan at komunidad.

Feb 2, 2026