Cayetano, tinuligsa ang mga pagkukulang ng gobyerno sa ICC arrest protocol


Tinuligsa ni Senator Alan Peter Cayetano nitong Huwebes ang paraan ng gobyerno sa pag-hand-over kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), at binigyang diin na maaaring may mali o nakalilitong impormasyon sa mga dokumentong ipinasa.
“The representative of the Philippine government should not just sign — he should have noted there ‘Surrendered to,’ ‘Not applicable,’ et cetera. Kasi ang titingnan ng ICC, y’ung dokumento, hindi y’ung paliwanag,” sabi ni Cayetano sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations nitong April 10.
Tinukoy niya ang “Information on the Surrender and Transfer” form na pinirmahan ni Special Envoy on Transnational Crime Markus Lacanilao.
Ayon sa form, may legal na tulong umano si Duterte sa isang “national proceeding” — pero ayon kay Cayetano, baka magdulot ito ng maling impresyon sa ICC.
“When the ambassador signed his name and ang nakalagay na he (Duterte) received legal assistance during a national proceeding, it gives the impression that there was more than just the service of the warrant,” sabi niya.
Binigyang diin ni Cayetano na mahalaga ang form na ito dahil dito nakikita kung sumusunod ba ang Pilipinas sa mga obligasyon sa human rights, tulad ng pagharap ng akusado sa korte sa bansa.
Hinimok niya ang Department of Justice na maghanda ng malinaw na proseso sa mga ganitong kaso, lalo na’t hindi pa tapos ang pag-review ng Supreme Court sa legalidad ng pagkalas ng Pilipinas sa ICC.
“While it’s pending, it might be safer to allow the Filipinos to seek redress here kasi pag nandoon na, wala nang rewind,” wika ng senador.
Pinuna rin ni Cayetano ang hepe ng PNP-CIDG na si Nicolas Torre III matapos tanggihan ang hiling ni Vice President Sara Duterte na dalawin ang kanyang ama habang nakakulong.
Giit ni Cayetano, malinaw sa Republic Act No. 7438 na may karapatan ang isang detainee na mabisita ng kanyang pamilya at doktor.
“Hindi ba siya anak? Ang nakalagay dito [sa batas], ‘…The person’s immediate family should include his or her spouse, fiancé, parent, or child,’” sabi ni Cayetano.
Babala pa niya, hindi dapat maliitin ang mga pagkukulang na ito. Aniya, puwede itong magtakda ng masamang halimbawa sa ibang law enforcers.
“Kung ako ay bagong pulis sa Batanes o sa sulok ng Davao, tapos nakita ko na pwedeng hindi papasukin ang doktor o pamilya, baka akalain ko pwede rin sa amin,” sabi niya.
“If the ICC issues another warrant of arrest, will we wait for the Supreme Court to rule or will we allow them to be put a Filipino on a plane and sent to the Hague right away?” dagdag niya.
April 12, 2025