MGA PINOY NA NILINDOL SA TAIWAN, TUTULUNGAN - PBBM

Nakahanda ang gobyerno para asistehan at suportahan ang mga Pilipino sa Taiwan kasunod ng 7.4 magnitude na yumanig sa ilang bahagi ng Taiwan nitong Miyerkules ng umaga.
Sa kanyang X post, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakahanda ang tulong ng gobyerno sa mga Pilipino sa Taiwan sa panahon ng dinaranas na pagsubok.
Nagpaabot din ng simpatiya si Pangulong Marcos Jr. sa mga mamamayan ng Taiwan habang hinaharap ang epekto ng malakas na lindol.
Tiniyak ng presidente na kumikilos ang Department of Migrant Workers (DMW) para masiguro ang kaligtasan ng mahigit 159,000 na mga Pilipinong kasalukuyang nagtatrabaho at naninirahan sa Taiwan.
Sinabi ni MECO Chairman Silvestre Bello III na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanyang tanggapan sa mga Filipino community at mga asosasyon sa Taiwan para matukoy kung may mga Pinoy na mangailangan ng pag-alalay at tulong.