PAGWASAK NG MGA TSINO SA PAYAW SA WPS, DAPAT IPROTESTA - TOLENTINO

Dapat maghain ng diplomatic protest ang gobyerno ng Pilipinas sa ginawang pagwasak ng mga Chinese sa payaw (fish aggregating device) na inilagay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang tulungan ang mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Senator Francis “Tol” Tolentino.

Iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong 2023 na nakapaghain na ang Pilipinas ng 444 diplomatikong protesta laban sa mga iligal na aktibidad ng China sa WPS mula noong 2020 subalit walang aksyon ang China.

Dagdag niya, dapat ibalik ng mga Chinese ang kanilang pinutol at tinanggal na payaw batay sa imbentaryo kung ilan ang nawala.

Posible ani Tolentino na maaaring naalarma ang China sa patuloy na pagsasanay ng PH-US Balikatan sa WPS at sa patuloy na pagpapalakas ng alyansa ng Pilipinas sa ibang mga bansa.

Ibinunyag niya na ang mga kinatawan mula sa 14 bansa, kabilang ang Japan, South Korea, India, Canada, United Kingdom, France, Thailand, Singapore, Vietnam, Indonesia, Brunei, Malaysia, Germany, at New Zealand, ay kasalukuyang inoobserbahan ang PH-US Balikatan.

Bilang tugon sa pahayag ng Chinese Embassy na nagbabala sa Pilipinas na itigil ang mga provocative actions sa WPS, iginiit ni Tolentino na walang bansa na maaaring magdikta sa Pilipinas kung ano ang dapat gawin sa teritoryo nito.

Sa kabila ng pagdedeklara ng Chinese Embassy na isang provocative action ang Balikatan, nilinaw ni Tolentino na ginagawa na ito ng Pilipinas simula pa noong 1990s, at ang Mutual Defense Agreement sa US ay nilagdaan noong 1951.

Jack Solano | April 21, 2024